
PEÑABLANCA, CAGAYAN – Upang ipagdiwang ang matagumpay na implementasyon ng mga proyekto ng Pamahalaang Lokal ng Penablanca, isinagawa ang isang inauguration at turnover ceremony para sa Concreting of Quibal-Nanguilattan Main Barangay Road at Concreting of Farm to Market Road Phase I at II ngayong araw, ika-12 ng Agosto 2025, sa Barangay Nanguilattan. Ang mga proyektong ito ay pinondohan sa pamamagitan ng FY 2024 Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF) na nagkakahalaga ng ₱1.153 milyon, at ang FY 2024 Support to the Barangay Development Program (SBDP) na may nagkakahalagang ₱2.5 milyon at ₱5 milyon.
Pinangunahan ang seremonya ni Punong Bayan Marilyn J. Taguinod, kasama sina Kgg. Washington Taguinod, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga kawani ng LGU, at iba pang mga stakeholder. Dumalo rin mula sa Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) sina Kawaksing Panrehiyong Patnugot Elpidio A. Durwin, Panlalawigang Patnugot ng Cagayan Marietta F. Abalus, MLGOO Agatha Maillani L. Castillo, at mga kawani mula sa Panrehiyon at Panlalawigang Yunit ng Pagpapaunlad at Pamamahala ng Proyekto.
Ayon kay ARD Durwin, “Hindi na mararanasan ang putik o mga lubak sa daan. Ang mga proyektong ito ay hindi lamang nag-uugnay sa mga lugar, kundi nagbubukas din ng mas maraming oportunidad para sa mas maunlad na kabuhayan at mas matatag na komunidad.”
Nagpasalamat si Mayor Taguinod sa patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng SGLGIF at SBDP, na naging susi upang maisakatuparan ang mga proyektong ito. Idinagdag pa niya na ang mga proyektong ito ay simbolo ng tiwala ng pambansang pamahalaan, tulong ng DILG, at kooperasyon ng mga lokal na lider. Sa pamamagitan nito, mas mapapabilis ang pagbiyahe at paghahatid ng mga produkto, pati na rin ang pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan.
Sa kanyang huling mensahe, ipinahayag ni VM Taguinod ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng tumulong sa pagpapatupad ng proyekto. Ayon sa kanya, kung wala ang kanilang suporta, hindi magtatagumpay ang proyekto. Pinatunayan nito na ang tiwala, pagtutulungan, at pagkakaisa ay nagbubunga ng mga konkretong resulta para sa bayan.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, ipinapakita ng bayan ng Peñablanca ang kanyang commitment sa pagpapabuti ng pampublikong kalusugan, turismo, at pangkalahatang kapakanan ng komunidad.
PEO II Gianette Ellice C. Bañez